CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Mariing pinabulaanan ng ng liderato ng 902nd Brigade ang paratang ng KARAPATAN, Camarines Norte hinggil sa diumano’y pambubugbog ng mga sundalo ng 31st Infantry Battalion na naganap noong ika-7:30 ng umaga ng Agosto 9, 2010 sa Brgy Dumagmang, Labo, Camarines Norte.
Ayon kay Colonel Teodoro Cirilo Torralba, Pinuno ng 902nd Brigade, walang katotohanan ang paratang ng grupong KARAPATAN-Camarines Norte, sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalitang si Ginang Maricel Delen, na binugbog at pinahirapan ng mga sundalo ng 31st Infantry Battalion ang isang nag-ngangalang Boyet Esquilon na residente sa Bgy Dumagmang.
Ayon kay Torralba, pinaimbestigahan kaagad niya ang naturang report ng pambubugbog alinsunod sa proseso ng militar. Kaugnay nito, pinatawag niya ang lahat ng mga sundalong kasama sa naturang operasyon at kanyang napag-alaman na wala namang pambubugbog na nangyayari.
“Isinama lamang ng mga sundalo ang isang kahina-hinalang binatilyong si Boyet Esquilon papunta sa barangay nang namataan nila itong parang nagmamatyag sa kanila habang nagsakatuparan ng kanilang misyon. Mahigpit na sinusunod ng mga sundalo ang aking kautusan na huwag abusuhin ang mga sibilyan na makasalubong sa area of operations kaya siniguro nilang di masaktan si Esquilon dahil wala namang ebidensyang magdidiin sa kanya,” ani Torralba.
Dinagdag pa ni Torralba na naging mahirap para sa mga sundalo ang pagtutukoy sa mga bandidong NPA dahil sa pagkukunwari nitong magsasaka o ordinaryong mamamayan habang ito ay nagsasagawa ng pag-aambus o pamamaslang ng mga sundalo.
Matatandaang isang nagkukunwaring sibilyan na ‘bomb specialist’ ng bandidong NPA ang nahuli ng mga sundalo ng 42IB sa bayan ng Lagunoy noong Hunyo pagkatapos itong maglagay ng bomba sa gilid ng dadaanan ng mga sundalong nag-dedeliber ng supply sa kanilang mga kasamahan.
“Bukas ang aming himpilan para sa mga kapamilya ni Esquilon kung gusto nilang mas maliwanagan ang naturang paratang. Si Boyet na mismo ang magkwento sa kanyang mga kaanak tungkol sa totoong pangyayari sa harap ng mga sundalong nakahuli sa kanya,” dagdag pa ni Torralba.
Sa isang direktibang pinapasunod sa lahat ng mga Brigada at Batalyon, mahigpit na pinaalalahanan ni Major General Ruperto Pabustan, pinuno ng 9th ID, ang pagrespeto sa karapatang pantao habang nagsasagawa ang mga sundalo ng kanilang ibat-ibang misyon sa Kabikolan.
Matatandaang hindi sinasaktan ng mga sundalo ang mga rebeldeng sumuko o nasukol sa mga bakbakan. Kasama sa mga nahuli sa mga bakbakan ang mga rebeldeng sina Reynante Mortel, Jinky Martirez sa lalawigan ng Albay at sina Eduelo Alpore a.k.a. Ka Brix at Allan Llagas a.k.a. Ka Mark na nasukol sa isang bakbakan sa Lupi, Camarines Sur.
“Kung ang mga rebeldeng nakikipagpalitan ng putok ay nagagawang respetuhin ng mga sundalo ang kanilang mga karapatan pagkatapos na sumuko o mahuli, mas lalo na ang mga pinaghihinalaan lamang na miyembro ng bandidong NPA,” ani Pabustan.
No comments:
Post a Comment