Thursday, November 12, 2009

"Pag-ibig sa Likod ng Ideolohiya"

*Mula sa panulat ni Igna De Dios hango sa tunay na buhay ng dalawang dating rebelde

“Bilang panatiko ng pag-ibig at manunulat ng nobelang romansa sa loob ng labing-limang taon, nakita ko mula kina Ka Nonoy at Ka Jane hindi lamang ang pag-asam para sa bago at tahimik na buhay, ngunit higit sa lahat, kapwa sila alipin ng kapangyarihan at hiwaga ng pag-ibig.

Si Ka Nonoy ay isang rebelde. Sa simula pa lamang, hindi niya itinago ang katotohanang iyon sa unang araw pa lamang nang asamin niya ang pag-ibig ni Ka Jane, na isang simpleng estudyante sa kolehiyo. Ngunit sa kabila ng kabatirang madilim ang hinaharap ng kanilang pagmamahalan, hindi nagdalawang isip si Ka Jane: tinugon niya ang walang patutunguhang pag-ibig.

Sa presscon noong nakaraang linggo makaraan ang kanilang pagsuko sa batas, inamin sa akin ni Ka Jane, “Alam kong hindi siya isang tapat na Pilipino, pero tapat ang kanyang pag-ibig. Sa kabila ng pangamba at agam-agam, binuksan ko ang aking puso…mahal ko siya kasi.”

Hindi sa simbahan o sa matamis na tahanan humantong ang kanilang pag-ibig. Ang wagas na pagmamahalan nina Ka Nonoy at Ka Jane ay naghatid sa kanila sa kagubatan.

Ayon pa kay Ka Jane, “Nang mahalin ko si Nonoy, hindi lamang siya ang niyakap ko kundi gayundin ang kanyang mga ipinaglalaban. Hindi puwedeng manatili ako sa landas na kanan habang ang pinakaiibig kong lalaki ay nasa kaliwa. Kailangan naming mapag-isa. Ako ang nagparaya, ang nagbigay at nagsakripisyo. Tinalunton ko ang landas kung saan siya naroroon.”

Ang isang wagas na pag-ibig, malipos man ng pagsubok ay nungkang malulugmok. Sa kaso nila Ka Nonoy at Ka Jane, itinawid nila ang kanilang pagmamahalan sa napakatinik na daan, na walang sandaling hindi sila nangangamba na baka sa isang maling hakbang ang lahat ay magwakas at matapos. Ngunit sa kabila ng mga bagabag, nanatili ang apoy ng pag-ibig sa kanilang puso; nagsumiklab ang higit pang ningas ng walang hanggang pagmamahalan.

“Kailanman sa kabuuan ng aming pagsasama hindi namin inalam kung papaano kami bukas,” paglalahad pa ni Ka Jane. “Ang mahalaga sa amin ay ang bawat ngayon.”

Hanggang sa magbunga ang mga pulot-gata na binatbat ng pag-ibig, bagabag at pangamba. At ang matamis na bungang iyon ng kanilang pagmamahalan ang tila nagsilbing mapait na lason para sa ideolohiyang kanilang ipinaglalaban. Ang sanggol sa sinapupunan ni Ka Jane ay tila putok ng gamundong bomba na walang patid na gumugulantang sa kanila.

Umiiyak na isinalaysay ni ka Nonoy ang mapait na karanasan niya sa isang malayong nakaraan kung saan sa isang babae ay nagkaroon siya ng dalawang anak na kailanman ay hindi niya nasilayang lumaki.

“Ang mga anak kong hindi ko nakita ang paulit-ulit na bangungot na gumising sa aking mga gabi, ayon kay Ka Nonoy. Ayoko nang maulit pa iyon ngayon sa aking magiging anak kay Jane.”

At dahil dito, ipinasya ni ka Nonoy at Ka Jane na gawin ang pinakamalaki at pinakamahalagang desisyon sa buhay. Ang magbalik-loob sa pamahalaan.

“Sana ay matulungan kaming magkaroon ng bagong buhay,” ayon kay Ka Jane. “Para sa magiging anak namin, sana ay matulungan kaming makabuo ng isang tahimik at masayang pamilya.”

Sa ngayon, nasa ika-pitong buwan ang pagbubuntis ni Jane. Biro ko nga sa isinagawang press conference sa 83IB, dapat maikasal muna ang dalawa bago pa man maipanganak ang sanggol. Nangako naman ang pinuno ng 83rd Infantry Battalion na si LTC Romy Basco na gagawin nila ang aking iminungkahi.

Para kina Ka Nonoy at Ka Jane, ang aking mga panalangin.“

*(Editors note: This article is reprinted with permission from the author.) 

No comments:

Post a Comment